Lacuna inutos paghakot sa basura 24/7

MANILA, Philippines — Inutos ni Manila Mayor Honey Lacuna ang paghakot 24/7 sa gabundok na mga basura sa iba’t ibang lugar sa lungsod dahil sa nagdaang holiday season na umano’y inabandona ng dating kontraktor na Leonel  Waste Management Corporation.

Paniniwala ni Lacuna, sinabotahe ng Leonel ang hindi pag­hakot sa mga basura makaraan ang Pasko at Bagong Taon kaya nagdulot ng 400 porsiyento ng pagdami nito. Hanggang Disyembre 31 ang kontrata ng Leonel sa city government.

Sa ngayon aniya, nagtutulong sa paghahakot ng basura ang MetroWaste at PhilEco System.

Ang PhilEco ang responsable para sa Districts 4, 5, at 6 at nag-deploy ng limang trak sa Altura Market, Trabaho Market, Paco Market, Dagonoy Market, at mga pangunahing kalsada sa Lacson Avenue, España Boulevard, Magsaysay Blvd, at Old Sta. Mesa.

Samantala, nagpahayag ng pagkadismaya sa tambak ng basura si Atty. Jun Icaonapo, dating Governor ng Integrated Bar of the Philippines for Greater Manila at Pangulo ng Philippine Trial Lawyers Association, Inc.

Ayon kay Icaonapo, sa mismong mga tarpaulin pa ng mga kandidato ang gabundok na mga basura at hindi man lang inaaksiyunan.

Apela ni Icaonapo sa mga opisyal ng pamahalaan na itigil muna ang pansariling interes at iprayoridad ang kapakanan ng Manileño dahil maaari nang makaapekto ang marumi at mabahong Maynila sa kalusugan ng publiko.

Show comments