TRO hiling ng dating kongresista vs disqualification
MANILA, Philippines — Nagpasaklolo na sa Korte Suprema si dating 2nd District Representative Egay Erice upang harangin ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na nagdidiskuwalipika sa kanya na tumakbo muli sa pagkakongresista sa Mayo 2025.
Kahapon ay hiniling ni Erice sa SC na maglabas ng Temporary Restraining Order o Writ of Preliminary Injunction laban sa resolusyon ng Comelec En Banc na nagdiskuwalipika sa kanya.
Ayon kay Erice, katawa-tawa at walang basehan ang resolusyon ng Comelec na nilabag niya ang Section 261 ng Omnibus Election Code.
Pawang katotohanan lamang ang kanyang mga sinabi at hindi siya nagpapakalat ng mga maling impormasyon na makaaapekto sa halalan.
Ang kanyang mga isiniwalat ay bahagi ng kanyang karapatan bilang isang Pilipino at botante. Sa katunayan, tinulungan pa niya ang Comelec upang itama ang maling sistema at proseso sa paggamit ng voting counting machine.
“Iyon pong mga sinasabi ko may batayan, iyan po ay aking constitutional right para i-criticize ang isang ahensya ng gobyerno at sinumang pinapasweldo ng mamamayang Pilipino at ako po ay isang taxpayer, hindi po ako kasalukuyang opisyal. Ngayon, ordinaryong taxpayer,” ani Erice.
Sakaling mag-imprenta na ng balota ang Comelec at maglabas ng TRO, dapat nang atasan ng SC na muling mag-imprenta ng balota na kasama ang pangalan ng dating kongresista.
- Latest