Kampanya vs vote-buying na ‘Kontra Bigay’, buhayin
MANILA, Philippines — Pinabubuhay ni Las Piñas Councilor Mark Anthony Santos sa Commission on Elections (Comelec) na muling ilunsad ang “Kontra Bigay”, isang kampanya para palakasin ang pagpapatupad ng mga patakaran laban sa vote-buying at selling sa May 2025 midterm elections.
Ang Committee on Kontra Bigay ay inilunsad ng Comelec noong September 2023 kontra vote buying at pagbebenta ng boto kaugnay ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) noong October 30, 2023. Ani Santos ang problema sa vote buying and vote selling ay “itinuturing na ito na isang cancer sa ating demokrasya”.
Binigyang-diin ng Comelec ang kahalagahan ng paglikha ng komite ng Kontra Bigay upang magtatag ng mahusay na mekanismo para sa pagpapatupad ng mga patakaran at alituntunin laban sa pagbili at pagbebenta ng boto.
Hiniling din ni Santos ang pagtatatag ng “Kontra-Bigay Complaint Center” na tatanggap ng mga ulat sa mga insidente ng vote buying at pagbebenta ng boto lalo pa’t may impormasyon na may isang barangay sa Metro Manila na ang halaga ng isang “straight vote” — o pagboto sa lahat ng kandidato sa isang partido — ay diumano ay nagsisimula sa P10,000. Ang ilan ay nagsabi na ito ay maaaring umabot sa P50,000, o humigit-kumulang P5,000 bawat kandidato.
Ayon naman sa Comelec, maaaring ireport ng isang tao ang mga insidente ng vote-buying sa pamamagitan ng exclusive communication channels, email, at social media tulad ng Facebook, Instagram, TikTok, at Twitter.
Ang mga lalabag, sa oras na mapatunayang nagkasala, ay masesensiyahan ng isang taon na pagkabilanggo o isang maximum period ng anim na taon.
- Latest