MANILA, Philippines — Posible umanong ipaampon ang mga sanggol ng mga Pinay na nasangkot sa illegal surrogacy scheme sa Cambodia, sakaling mapagtanto ng pamahalaan na wala silang kakayahan na palakihin ng maayos ang mga ito.
Matatandaang una nang binigyan ng pardon ng Cambodian government ang 13 Pinay na na-convict doon matapos mapatunayang sangkot sa illegal surrogacy scheme.
Kinumpirma naman ni Department of Justice (DOJ) Undersecretary Nicholas Felix Ty na tatlo na sa mga naturang Pinay ang nakapanganak na habang nananatili pang buntis ang 10 iba pa at kasalukuyang nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay Ty, kasama sa mga kondisyon ng Cambodian Government sa pagbibigay nito ng pardon sa mga Pinay na ang kanilang sanggol ay hindi ipagbibili sa alinmang partido.
Paliwanag niya, ayaw ng pamahalaan ng Cambodia na maisakatuparan ang transaksiyon na maipagbili ang mga sanggol ng mga naturang Pinay surrogates sa mga taong nangontrata sa kanila.
Sakali naman umanong makita nilang walang kakayahan ang ina na palakihin at itaguyod ang sanggol ay maaaring manatili muna ang mga ito sa pangangalaga ng estado o di kaya ay ipaampon.
“Kung makita natin na hindi kakayanin ‘yun, maaaring sa estado na muna ang mga sanggol at i-consider ang mga posibilidad sa kanila tulad ng adoption,” paliwanag pa ni Ty, sa panayam sa telebisyon.
Tiniyak din niya na hindi pababayaan ng pamahalaan ang mga sanggol, na ituturing aniyang mga Pinoy ang mga ito.
Ang kanilang mga ina naman ay tatanggap ng tulong mula sa pamahalaan, tulad nang ipinagkakaloob sa lahat ng biktima ng human trafficking.
Sakali naman aniyang magkalakas ng loob ang mga Pinay na kasuhan ang kanilang recruiter ay hindi magdadalawang-isip ang pamahalaan na bigyan sila ng kaukulang tulong at proteksiyon.