MANILA, Philippines — Ngayong araw ng pagsalubong sa Bagong Taon, mas pinatututukan ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa lahat ng mga opisyal at tanod ng barangay ang iligal na paggamit ng mga ipinagbabawal na paputok tulad ng El Diablo, Judas’ belt, whistle bomb, baby rocket, sa pagsalubong ng 2025.
Ani Malapitan, maging ang paggamit ng boga o improvised cannon ay ipinagbabawal din sa lungsod.
Ayon sa Malapitan, inatasan na rin nito ang Caloocan City Police Station (CCPS) na hulihin at patawan ng karampatang parusa ang mga mahuhuling nagbebenta o gumagamit ng mga ipinagbabawal na paputok kabilang na ang boga.
Itu-turn-over naman sa City Social Welfare Development Department (CSWDD) ang mga menor-de-edad na makikitang gumagamit ng boga o paputok.
Kasama rin sa direktiba ng alkalde ang pagbabawal sa open-pipe at maiingay na motor kaya nagtalaga rin ito ng mga checkpoint at pinaiigting ang police visibility sa mga kalsada.
Muli namang nanawagan si Mayor Malapitan sa mga residente na makiisa at ipagdiwang ang pagpasok ng taong 2025 ng ligtas, mapayapa at may malasakit sa kapwa.