MANILA, Philippines — Maaari na ngayong magbayad ng kanilang monthly amortization sa alinmang 7 Eleven branches sa bansa para sa Housing Loan sa National Housing Authority (NHA).
Ayon sa NHA, layon ng hakbang na mapagaan at mapadali ang proseso sa pagbabayad ng amortisasyon ng mga nakakuha ng utang sa Pabahay sa ahensiya
Ang inisyatibo na ito ay karagdagang serbisyo sa kasalukuyang ugnayan ng NHA at Maya Philippines Inc., na gumagamit ng Maya app upang tumanggap ng bayad mula sa mga benepisyaryo ng NHA anumang oras at kahit saan na hindi na kailangan pang pumunta sa mga District o Regional Office upang magbayad.
Ayon kay NHA General Manager Joeben Tai, ang hakbang ay patuloy na pagsisikap ng NHA na gawing moderno at streamlined ang mga sistema nito sa pamamagitan ng pinadali at digitalization na mga option sa pagbabayad ng mga benepisyaryo ng programang Pabahay ng ahensiya.
Ang inisyatibong ito ay alinsunod sa Republic Act (RA) 8792 o ang Electronic Commerce Act of 2000, na nag-aatas sa lahat ng ahensya ng gobyerno na tumanggap ng bayad gamit ang electronic means at RA 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 para pagandahin ang transaksyon at serbisyo ng mga ahensya ng gobyerno para sa publiko.
Ang pakikipag-ugnayan ng NHA sa Bayad Inc. at 7-Eleven ay nagpapatunay sa dedikasyon ng ahensya na mapabuti ang mga serbisyo nito sa pamamagitan ng pagpapadali ng mga proseso para sa mas mainam na transaksyon sa pagitan ng ahensya at mga benepisyaryo nito.