Naputukan nasa 142 na
MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng Department of Health (DOH) na nakapagtala pa sila ng 17 bagong kaso ng biktima ng paputok, dalawang araw pa bago ang pagsalubong sa Taong 2025.
Sanhi nito, umaabot na sa 142 ang kabuuang bilang ng mga firework-related incidents (FWRI) na naitala ng DOH sa bansa mula Disyembre 22 hanggang 6:00AM ng Disyembre 29, 2024 lamang.
Ayon sa DOH, ito ay 35% na mas mataas kumpara sa 105 total cases lamang na naitala ng DOH sa kaparehong petsa noong nakaraang taon.
Mula sa kabuuang FWRIs, 127 ang mga lalaki habang 15 naman ang babae. Nasa 115 naman ng mga biktima ay nagkakaedad ng 19-taong gulang pababa habang 27 ang nagkakaedad ng 20-taong gulang pataas.
Ang 104 o 73% naman sa kanila ay nasugatan dahil sa ilegal na paputok gaya ng boga, 5-star at piccolo habang 85 o 60% ang aktibong gumamit ng paputok kaya’t nadisgrasya.
Kaugnay nito, muli namang nagpaalala ang DOH sa publiko na huwag magpaputok at ilayo ang mga bata sa panganib na dulot nito.
Mas makabubuti rin umano kung gagamit na lamang mga alternatibong pampaingay gaya ng torotot at musika.
Sakali naman umanong mangailangan ng tulong, maaaring tumawag sa 911 emergency hotline o 1555 DOH emergency.