MANILA, Philippines — Nakauwi na sa Pilipinas ang 13 Pinay na nahatulan sa Cambodia dahil sa paglabag sa surrogacy ban.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Linggo, binigyan ng Royal Pardon ni His Majesty Preah Bat Samdech Preah Boromneath Norodom Sihamoni nitong Disyembre 26 ang mga Filipina.
Inendorso rin ng Royal Government ng Cambodia ang Royal Decree para sa mga Pinay na nagbigay ng daan sa kanilang paglaya at agarang repatriation.
Ayon sa DFA, naging posible ang pag-uwi ng mga Pinay surrogate mothers sa koordinasyon ng Philippine Embassy sa Phnom Penh at ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Sinabi rin ng DFA na ang ligtas na pag-uwi ng mga Pinay ay patunay na matagal nang pagkakaibigan ng Pilipinas at Cambodia at parehong paglaban ng bansa sa human trafficking at iba pang transnational crimes.
Nahatulan ang 13 Pinay dahil sa paglabag sa surrogacy ban sa Cambodia na iniulat na na-recruit lang online.
Ang 13 Pinay ay kabilang sa 24 dayuhang kababaihan na nahuli ng Cambodian police sa Kandal province noong Setyembre at kinasuhan ng tangkang cross-border human trafficking, ayon sa pahayag ng Kandal court.