Sekyu nanutok ng baril, kalaboso
MANILA, Philippines — Himas rehas ang isang security guard matapos ireklamo ng panunutok ng baril Huwebes ng madaling araw sa Malabon City.
Kinilala ni Malabon police chief PCol. Jay Baybayan ang suspek na si alyas Alfredo, 58, residente ng Gozon Compound, Brgy. Tonsuya.
Ayon kay Baybayan, bandang ala-1:50 ng madaling araw nang itinawag ng Barangay Tonsuya sa Malabon Police Sub-Station (SS5) ang ginawa umanong pananakot at panunutok ng baril ng suspek kay alyas John, 24, sa hindi pa malamang dahilan sa Phase 6 ng Gozon Compound, Letre, Brgy. Tonsuya.
Agad na pinuntahan ng mga tauhan ni Baybayan ang naturang lugar at naabutan nila ang suspek na hawak ang isang kalibre. 45 pistola na may walong bala sa magazine.
Dito na dinakip ng mga pulis ang guwardiya.
Kinumpiska rin na mga pulis ang naturang baril nang mabigong makapagpakita ng lisensiya at permit to carry outside residence at sa halip ay tanging firearm registration lang ang papeles na kanyang iprisinta.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions) at Grave Threat sa Malabon City Prosecutor’s Office.
- Latest