MANILA, Philippines — Inanunsiyo ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang planong alisin ang brand labels sa mga imported na bigas kasunod ng mga reklamo na ilang negosyante sa industriya ang nagmamanipula sa sistema upang lumobo ang presyo ng bigas at mapagsamantalahan ang mga mamimiling Pilipino.
“Matapos ang ilang pagbisita sa mga palengke, naniniwala kaming sinasadya ng ilang traders at retailers na lituhin ang mga mamimili sa mga branded na imported na bigas upang mabigyang katwiran ang mataas na presyo ng bigas,” ayon kay Secretary Tiu Laurel.
Bukod sa pagtatanggal sa brand names, iniutos ni Laurel na alisin ang “premium” at “special” sa imported na bigas, na pinaniniwalaang ginagamit para maitaas ang presyo.
Hindi naman saklaw dito ang mga lokal na produktong bigas upang protektahan ang mga Pilipinong magsasaka at traders.
“Ang pag-iimport ng bigas ay hindi karapatan kundi prebelihiyo. Kung hindi susunod ang mga trader sa aming regulasyon ay hindi namin ilalabas ang permits para sa pag-aangkat ng bigas,” diin ni Laurel
Batay sa datos na nakuha mula sa retailers, traders at importers, dapat ay nasa P6 hanggang P8 mark-up kada kilo lamang ang ipataw sa imported na bigas na sapat ng kita upang mapanatili ang operasyon ng lahat ng partidong may kinalaman sa supply chain.
Inihalimbawa dito ang bigas na binili sa Vietnam sa halagang P40 per kilo, ang consumer price ay hindi dapat na sumobra sa P48 per kilo.
Ikinunsidera rin ni Secretary Laurel ang ilang mga hakbang upang matugunan ang problema sa pabagu-bagong presyo ng bigas, kabilang na rito ang panawagang food security emergency sa ilalim ng inamiyendahang Rice Tariffication Law, upang payagang mailabas ang reserba mula sa National Food Authority at mapatatag ang presyo.
Pinag-iisipan ng kalihim ang opsiyon na payagan ang mga korporasyon ng gobyerno tulad ng Food Terminal Inc. na mag-import ng malaking volume upang direktang makipagkumpetensiya sa mga pribadong importer, at inatasan ang legal division na pag-aralan kung ang mga probisyon sa Consumer Price Act ay maaaring gamitin upang ipantapat laban sa profiteering.