MANILA, Philippines — Binalaan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Police Brigadier General Anthony Aberin sa lahat ng nasasakupang station commander na may katapat na parusa kung mabibigong tugunan ang patuloy pa ring iligal na sugal sa kani-kanilang hurisdiksyon.
Ibinaba ni Aberin ang babala matapos makapagtala ng 2,010 kataong naaresto sa operasyon ng iligal na sugal sa Metro Manila mula Nobyembre 23 hanggang Disyembre 20.
“We are committed to eradicating these illegal activities that harm our communities. The NCRPO’s intensified campaign against illegal gambling is aligned with the PNP’s thrust of effective enforcement of all laws,” pahayag ni Aberin.
Aniya, mas pinaigting ang ginagawang estratehiya ngayon sa NCRPO kabilang ang kinabibilangan ng intelligence-driven operations laban sa iligal na sugal, sa pamamagitanng pakikipag-ugnayan sa mga komunidad at pakikipagtulungan ng local government units at barangay.
Kabilang din sa tinututukan ni Aberin ang pagpapanatili ng transparency at accountability sa kanilang hanay, partikular ang internal monitoring sa mga tauhan na hindi dapat makipagsabwatan sa operasyon ng sugal.
Muli niyang iginiit na sinumang miyembro na mapatunayang nagkasala ng pagkakasangkot sa iligal na pagsusugal ay mahaharap sa mga kasong administratibo at kriminal.