Baril ng jailguard pumutok
MANILA, Philippines — Sugatan ang dalawang empleyado ng Quezon City Hall matapos na aksidenteng pumutok ang baril ng isang jail guard kahapon ng umaga sa Quezon City.
Kinilala ang mga biktima na sina Ma. Gladys Joyce Sacramento, 27, at Luzviminda Dacles Nolasco, 42, kapwa empleyado ng Quezon City Hall habang agad namang dinakip si JO1 Joen Mendoza Adarayan, 26, at nakatalaga sa Quezon City Male Dormitory Payatas, Quezon City.
Sa report ng Criminal Investigation and Detention Unit ng Quezon City Police District (CIDU- QCPD), bandang 9:01 ng umaga nang mangyari ang insidente sa entrance ng Quezon City Hall High Rise Building, sa Brgy. Central, sa lungsod.
Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Camilo Ross J Cunanan, nagtungo si Adarayan at ang kanyang mga kasamahan sa Quezon City Hall para sana tumanggap ng regalo mula sa pamahalaang lungsod.
Inilalabas ni Andarayan sa bag ang kanyang service firearm na 9MM Taurus G3 para ideposit sa security guard nang aksidenteng pumutok ito at tinamaan si Sacramento sa kaliwang paa habang nagtamo naman ng bala sa kaliwang buku-bukong si Nolasco na kapwa dinala sa East Avenue Medical Center.
Nasamsam ng SOCO team sa pangunguna ni PCpt. Eri Angay-Angay ang limang metal na fragment sa lugar na pinangyarihan ng insidente.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Spokesperson, Supt. Jayrex Bustinera, na mahaharap sa kaparusahan ang jail officer sa oras na mapatunayang nagkaroon ng kapabayaan.