Pagbati ng ‘Merry Christmas’ pwede na sa Airport — BI
MANILA, Philippines — Binawi na ng Bureau of Immigration (BI) ang dating ipinatupad na pagbabawal sa pagbati ng “Merry Christmas” sa kanilang frontline personnel sa airports, upang maibalik din ang kultura ng mga Pilipino sa nakasanayang mainit na pagtanggap at kagandahang-loob sa mga pasahero.
Sinabi kahapon ni BI Spokesperson Dana Sandoval, sa isang televised briefing, na ang pagbati ng “Merry Christmas” ay wala namang masama at bilang bahagi na rin ng kulturang Pinoy.
Gayunman, nilinaw niya na hindi pa rin pinapayagan na tumanggap ng regalo sa anumang uri o token ang BI personnel.
“Ang pagbati po ay hindi masama, as long as hindi tatanggap ang aming mga tauhan ng kahit anong regalo or token, yun po ang ipinagbabawal. Pero ang pagbati po as part of our culture ay maaring gawin.” ani Sandoval.
Paalala din ni Sandoval sa BI frontline personnel na huwag maging inclusive sa pagtrato, dapat na batiin sa ibang pamamaraan ang ibang pasahero na pinaniniwalaang may ibang paniniwala ang kanilang relihiyon.
Inaasahang aabot sa 110,000 pasahero kada-araw ang dadagsa sa mga paliparan sa kasagsagan ng holiday season.
- Latest