POGO Boss dinukot ng 7 ‘parak’
MANILA, Philippines — Isang Chinese national na umano’y Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) boss ang dinukot ng pitong armadong kalalakihan na nagpakilalang mga pulis sa Parañaque City, noong Martes ng hapon.
Makikita sa video footage ang pagparada sa inuupahang apartment ng biktimang dayuhan ng isang Hi-ace van na kulay puti at bumaba ang mga lalaking nakasuot ng blue shirts na may tatak sa likod na “PULIS”, may mga nakasuot ng puti na t-shirt na nakapatong ang reflective vests na itim na may kumbinasyon green at may tatak din sa likod na “PULIS” at isa ang nakasuot ng itim na longsleeve jacket na may dalang dokumento.
Nagpakilalang mga pulis at nagsabing magsisilbi ng warrant of arrest nang pumasok sa isang subdibisyon ang mga suspek at dinisarmahan ang nakatalagang security guard sa Gate 1.
Maya-maya ay nakita na ang biktima na nakaposas at hawak ng dalawang lalaki nang isakay sa van alas-3:50 ng hapon.
Sinabi ni PLt. Colonel Eric Angustia, assistant chief of police for administration ng Parañaque City Police Station, hindi pa alam kung saan dinala ang biktima at wala pang impormasyon kung hihingi ng ransom
Sa pahayaga ng saksi, isang dating security guard ang isa sa suspek na nakitang kinausap pa ang dalawang security ng biktima, ilang araw bago ang pagdukot.
Sinabi ni Angustia na inaresto ang dalawang bodyguard na kinausap ng nasabing suspek na pinaniniwalaang kasabwat sa insidente.
Hindi naman nagbigay ng anumang komento ang mga inaresto na sasampahan ng reklamong kidnapping, bukod sa pitong suspek na tinutugis pa.
- Latest