PNP lalabanan agricultural smuggling at hoarding sa bansa

MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang buong suporta sa pagpapatupad ng Republic Act No. 12022 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.

Ayon kay PNP Chief General Rommel Francisco Marbil, handa ang PNP na makipagtulungan sa iba’t ibang ahensya upang mahuli at mapanagot ang mga sangkot sa economic sabotage.

Ani Marbil, dapat managot ang mga smuggler at hoarder sa kanilang ginagawa na sumisira sa kabuhayan ng mga magsasaka, at nagiging hadlang sa pag-abot ng food security sa bansa.

Sinabi ni Marbil na kailangan na tutukan ang agricultural smuggling dahil  isa ito sa nagpalalaki ng problema sa kakapusan ng pagkain at maging sa kabuhayan ng mga Pilipino.

Ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act na nilagdaan ni Pa­ngulong Ferdinand R. Marcos Jr., ay nagtatakda ng mahigpit na parusa laban sa smuggling, hoarding, profiteering, at cartel activities.

Habambuhay na pagkakakulong at multa na tatlong beses ang halaga sa mga nakum­piskang produkto ang ipapataw na parusa.

Show comments