MANILA, Philippines — Umalma ang tricycle group na National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Philippines (NACTODAP) sa patuloy na pagdami ng motorcycle taxi sa bansa lalo na sa Metro Manila na nagiging dahilan ng pagliit naman ng kanilang kita.
Sinabi ni Ariel Lim, national President ng Nactodap na dahil sa patuloy na pagdami ng MC taxi, nasa P300 na lamang kada araw ang naiiuwing kita ng bawat tricycle driver na sobrang baba sa dating kita na P700 kada araw.
Aniya, marami ng galit sa kanilang hanay sa nangyayaring pagdami ng MC taxi lalo na ang pagdagdag pa ng LTFRB sa mga MC taxi company sa Region 3 at Region 4A.
Mas makabubuting ihinto ng LTFRB ang pagdaragdag ng MC taxi sa bansa at konsultahin muna ang iba’t ibang stakeholders tulad ng NACTODAP bago magdesisyon na magdagdag pa ng MC taxi sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kaugnay nito, hinikayat naman ni Atty Jopet Sison, founding Chairman ng QC Tricycle Franchising Board ang pamahalaan na magkaroon ng National Transport Plan upang maging maayos ang sistema sa usapin ng mga MC taxis sa bansa.
Anya hindi sila tutol na magkaroon ng MC taxis sa bansa dahil malaki rin ang tulong nito na mapabilis ang paghahatid sa mga pasahero sa destinasyon nito pero dapat munang iregulate ng LTFRB ang mga MC taxis.
Sinabi ni Lim na kung hindi mapipigilan ang LTFRB sa pagpapadami ng MC taxis, malamang na lumabas na rin ang maliliit na driver at operator ng pampasaherong tricycle para kalampagin ang Malakanyang na aksyunan ang kanilang karaingan.