MANILA, Philippines — Tuluyan nang kinandado ng mga awtoridad kahapon ang pinakamalaking POGO hub sa bansa na Island Cove kahapon ng umaga sa Kawit, Cavite.
Kahapon ay personal na ininspeksyon nina Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, PNP Chief Rommel Francisco Marbil, PAGCOR Chairman Alejandro Tengco at PAOCC Exec. Director Gilbert Cruz ang ilang mga kwarto sa loob ng nasabing POGO Hub.
Nadatnan ng mga opisyal ng gobyerno sa loob ang mga blangkong kwarto kung saan mga gamit na lamang ang natira dahil hindi na umano sila nag-o-operate.
Ayon kay Remulla, personal niyang binisita ang lugar upang masiguro at maipakita sa publiko na sinunod nila ang kautusan ng Pangulo at masunod ang target na hanggang Disyembre 31 na lamang.
“As of last month wala nang kuryente ang mga buildings dito, pinatay na. So makikita niyo naman wala na signs of habitation dito at wala na signs of business,” ani Remulla.
Nasa 33 ektarya ang nasabing pasilidad.
Tinatayang lagpas 10,000 indibidwal ang mawawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng naturang POGO Hub.
Ang nasabing compound ay mayroong 57 gusali na mayroong employee dormitories, gaming hubs, cafès, groceries, clinic, restaurants, spas at beauty salon.
Taong 2019 nang magsimulang mag-operate ang POGO sa dating resort.