MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Undersecretary Gilbert Cruz na tutulungan nila ang 24 na “POGO babies” o mga sanggol na anak ng mga dayuhang nagtrabaho sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na naiwan sa bansa.
Ayon kay Cruz nakikipag-ugnayan na rin sila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang tulungan ang mga ina ng POGO babies matapos na madeport ang mga dayuhang ama.
“Siyempre ho, kailangan mabuhay, magkaroon ng kabuhayan iyong pamilya o nanay para naman ipantustos sa pagpapalaki sa bata. Iyon tinitingnan natin kaya nakikipag-coordinate na tayo sa DSWD,” ani Cruz.
Sa ngayon aniya ay suportado ng PAOCC ang 24 na POGO babies sa kanilang pangangailangan pati sa pampaospital kapag mayroong sakit ang mga ito pero hindi aniya pupuwedeng panghabang panahon na tulungan ang mga ito kaya kailangan ang aksiyon ng DSWD.
“Hindi naman ho puwedeng puro ganon ang gagawin natin, puro suporta pagdating sa panggatas, pang-pampers at saka iyong pambayad sa renta,” dagdag ni Cruz.
Sa record ng PAOCC, nakapagpadeport na sila ng mga dayuhang POGO worker na tinatayang nasa 250, at mayroon pang mga susunod na ipapadeport sa mga darating na araw.