Higit P.8 milyong illegal drugs nakumpiska sa buy-bust ng NPD
MANILA, Philippines — Umaabot sa higit P.8 milyong halaga ng mga iligal na droga ang nasamsam ng Northern Police District (NPD) sa magkakahiwalay na operasyon na nagresulta sa pagkadakip ng mga drug suspect sa Caloocan, Navotas at Valenzuela City.
Sa report na tinanggap ni NPD Director PCol. Josefino Ligan, nasa P374,000 shabu ang nasabat ng Station Drug Enforcement Unit -Caloocan City Police mula sa mga suspek na sina alyas Allan at alyas Joey bandang alas -12:50 ng madaling araw kahapon sa 1st Ave. Corner J.P. Rizal Avenue, Brgy. 120, Caloocan City habang nasa P70,000 naman ang nakuha ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit Navotas City Police Station kina alyas Barok at alyas Belson sa M. Naval St., Brgy. San Roque, Navotas City.
Disyembre 12 din nang makumpiska ng Navotas City Police mula kina alyas Junior at alyas Toyo ang nasa P71,604 na halaga ng shabu sa Tanigue Street, Brgy. NBBS Dagat-Dagatan, Navotas City.
Ayon naman sa isinumiteng report ng Valenzuela City Police, nasa 56 gramo ng methamphetamine hydrochloride o shabu, ang nasamsam ngDistrict Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pangunguna ni PCpt Regie B Pobadora, sa mga drug suspect na sina alyas Allan at alyas Lai nitong Biyernes sa No. 481 Dulong Tangke, Malinta, Valenzuela City.
Sinabi ni Ligan na ang sunud-sunod na anti-illegal drug operations ay kasunod ng mahigpit na kampanya ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director PBGen. Anthony Aberin para sa ligtas na Metro Manila.
Sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act.
- Latest