Las Piñas nasungkit Seal of Good Local Governance
MANILA, Philippines — Natanggap na ng Las Piñas City ang kauna-unahan nitong Seal of Good Local Governance (SGLG) sa ginanap na National Awarding Ceremony sa Manila Hotel.
Ang prestihiyosong pagkilala sa lungsod ay personal na tinanggap nina Mayor Imelda Aguilar at Vice Mayor April Aguilar dahil sa mahusay na pamamahala at pagseserbisyo publiko.
Iginagawad ang SGLG sa local government units na nakasunod sa mahigpit na kriterya ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa napakagaling na pamamalakad sa financial administration, disaster preparedness, social protection, health, education, business-friendliness, safety and order, environmental management, tourism and culture, at youth development.
Sinabi ni Mayor Imelda Aguilar na ang tagumpay na ito ay bunga ng pinagsama-samang mga hakbang ng lokal na pamahalaan at ng mga residente ng Las Piñas.
Binigyang-diin pa ng alkalde na ang natanggap na parangal ay sumasalamin sa pangako ng lokal na pamahalaan sa paghahatid ng dekalidad na serbisyo publiko at tugunan ang mga pangangailangan ng kanyang mga nasasakupan. Ang award na ito ay nagsisilbing legacy ng liderato ni Mayor Aguilar dahil sa kanyang dedikasyon para sa transparency, accountability, at epektibong pamamahala.
Sa suporta ni Vice Mayor April Aguilar at ng mga department heads, patuloy ang Las Piñas sa pag-unlad bilang isang progresibo at dahil sa mahusay na pamamahala.
- Latest