MANILA, Philippines — Malamang na sa detention cell na ng Kamara magdaos ng Pasko at Bagong Taon si PCol. Hector Grijaldo, dating hepe ng Mandaluyong City Police na pinatawan ng contempt at ipinaaresto dahilan sa apat na beses na pangi-isnab sa pagdinig ng Quad Committee.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Quad Comm nitong Huwebes, hindi na naman sumipot si Grijaldo na walang matibay na katwiran sa kaniyang hindi pagdalo para sagutin ang katanungan ng mga mambabatas.
Pinatawan ng contempt ng mega panel si Grijaldo sa mosyon ni Taguig City Rep. Pam Zamora matapos ipagbigay alam ng mga abogado nito sa mega panel na may dinaramdam umanong pananakit sa kaniyang balikat si Grijaldo. Agad naman itong senegundahan ni Quad Comm Chairperson Robert Ace Barbers at ng lahat ng mga miyembro ng mega panel.
Ang Quad Comm ay nag-iimbestiga sa mga kaso ng extra judicial killings (EJK), illegal drugs sa madugong drug war ng nakalipas na administrasyon na ikinasawi ng libong pinaghihinalaang drug personalities at illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Si Grijaldo ay una nang inakusahan ng coverup sa kaso ng ambush slay kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board Secretary Wesley Barayuga sa Mandaluyong City noong Hulyo 2020 na ang itinurong mastermind ay si dating PCSO Manager Col. Royina Garma.
Inakusahan naman ni Grijaldo ang Quad Comm sa pagharap nito sa Senado na pinuwersa umano siya ng Quad Comm upang kumpirmahin ang testimonya ni Garma na nagtuturo kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na nasa likod ng pagkamatay ng maraming pinaghihinalaang drug personalities sa madugong drug war kaugnay ng umiiral na reward system sa mga opisyal at miyembro ng pulisya na makakapatay ng drug suspect.
Matapos namang patawan ng contempt ay nag-adopt ng mosyon ang mega panel na ipinaaresto si Grijaldo at ipinagutos din itong ikulong sa detention cell ng Batasang Pambansa.