MANILA, Philippines — Naalarma si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro matapos na magpaputok ng baril ang ilang kasapi ng Taguig City Police sa harapan ng kaniyang behikulo sa nasabing lungsod nitong Miyerkules ng gabi.
Sa pagdinig ng Quad Committee ng Kamara, ibinahagi ni Castro ang kanyang naramdaman nang magpaputok ng baril ang mga pulis kaya napilitan siyang dumapa.
Ayon kay Castro, galing siya sa isang event sa Bonifacio Global City at pauwi na sakay ng kanilang behikulo nang mangyari ang insidente sa gitna umano ng trapiko.
Inamin ni Castro na nakaramdam siya ng takot lalo na at kritiko siya ng maraming isyu tulad ng paglabag sa karapatang pantao, extra judicial killings ng nakalipas na administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bukod dito ay ang kontrobersiyal na isyu ng confidential funds sa ilalim ng tanggapan ni Office of the Vice President Sara Duterte at Department of Education (DepEd) ng panahong ito pa ang Kalihim ng ahensiya na umaabot ng P 612.5 milyon at target ng red tagging.
Samantala, pinaiimbestigahan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, PBrigadier General Anthony Aberin impormasyon na walang ginawang report ang Makati City Police Station hinggil sa insidente.
Pansamantalang sinibak sa pwesto ang Chief of Police ng Makati City Police Station, Police Commander ng Sub-Station 6 at ang mga tauhan na direktang sangkot sa insidente upang bigyang daan ang walang kinikilingan na pagtatanong.