MANILA, Philippines — Nakatakdang maghain ng Motion for Reconsideration si Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro laban sa desisyon ng Commission on Election (Comelec) First Division na nagkansela ng kanyang Certificate of Candidacy (CoC) dahil sa isyu ng kanyang residency.
Ayon kay Teodoro may limang araw siya para maghain ng MR dahil ang resolusyon ay hindi pa ‘final and executory’ at siya pa rin ang lehitimong kandidato sa pagka-kongresista ng First District ng Marikina sa May 2025 elections.
Batay sa mga alituntunin na ipinahayag ng Comelec, partikular ang Comelec Resolution No. 11046, ang isang mosyon to reconsider a resolution ng isang Dibisyon ng Comelec ay maaaring ihain sa loob ng limang (5) araw mula nang matanggap ito, at ang paghahain ng Motion for Reconsideration ay sususpendehin ang pagpapatupad ng resolusyon.
Naniniwala rin ang alkalde na ang paghain ng mga petisyon laban sa kanya na nagresulta sa pagkansela ng kanyang kandidatura ay bahagi ng ‘political maneuvering’ ng kanyang kalaban sa pulitika.
“In fact, dalawang petisyon ang inihain laban sa akin ay nagpapakita na may political underpinnings na nakatuon sa aking pagtanggal sa electoral race. Hindi ako papayag na mangyari ito and I will exhaust all legal remedies available to me,” ani Teodoro.
Binigyan diin ni Teodoro na matagal siyang naglingkod bilang konsehal, congressman at kasalukuyang mayor ng lungsod ng Marikina kaya patuloy pa rin siyang maglilingkod.
Dagdag pa ng alkalde na aprubado ng local Comelec ang kanyang transfer of voter’s registration at application for transfer ng Election Registration Board (ERB) ng unang Distrito ng Marikina City kaya’t maaari siyang kumandidato sa pagka-kongresista sa nasabing Distrito.