VP Sara dedma uli sa NBI probe

Sa isang media interview, sinabi ni VP Sara na mayroon silang thanksgiving activities ngayong Miyerkules  at kailangan  umano niyang umuwi ng Davao City para dumalo sa libing ng kanyang yumaong tiyuhin.

MANILA, Philippines — Sa ikalawang pagkakataon, hindi na naman sisiputin ngayong araw ni Vice President Sara Duterte ang  isinasagawang imbestigas­yon ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa umano’y ginawa niyang pagbabanta laban sa buhay ni Pang. Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr..

Sa isang media interview, sinabi ni VP Sara na mayroon silang thanksgiving activities ngayong Miyerkules  at kailangan  umano niyang umuwi ng Davao City para dumalo sa libing ng kanyang yumaong tiyuhin.

Ayon kay VP Sara, sinabi rin sa kanya ng kanyang mga abogado na maaari naman niyang hindi puntahan ang  pagdinig at sa halip ay magsumite na lamang ng sulat, affidavit o di kaya ay position paper, depende sa kanyang magiging desisyon.

Samantala, hinikayat naman ni Department of Justice (DOJ) Undersecretary Raul Vasquez si VP Sara na dumalo sa imbestigasyon ng NBI.

“Well, that’s part of the legal process. If they believe that she’s better off not attending, that’s their lookout. That’s a matter that would be left to the discretion of their defense team, but it would be best if she would present herself because that’s part of the process,” ayon pa kay Vasquez, sa isang ambush interview sa Pasay City.

Matatandaang Nob­yembre 29 pa sana dapat na dumalo sa NBI probe si VP Sara upang magbigay ng paliwanag hinggil sa kanyang pahayag sa isang online press conference, na may kinausap na siyang tao upang patayin si PBBM, gayundin ang kanyang may bahay na si First Lady Liza Araneta Marcos, at pinsang si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, sakaling may pumatay sa kanya.

Gayunman, hiniling­ nitong ipagpaliban ng NBI ang pagdinig, sanhi upang mai-reset ito ngayong Miyerkules.

Show comments