MANILA, Philippines — Bigong humarap sa Land Transportation Office (LTO) ang driver ng trak na umararo ng mga sasakyan sa Katipunan flyover sa Quezon City na nagresulta ng pagkamatay ng 4 katao at pagkasugat ng higit 20 katao nitong Disyembre 5.
Tanging ang abogado lamang ng may-ari ng truck ang nagpunta sa LTO. Hindi dumalo si Richard Mangupag dahil hindi nakakuha ng clearance para sumalang sa hearing ng ahensiya. Si Mangupag ay nakakulong pa rin sa QCPD.
Nais sanang malaman ng LTO kung bakit nasangkot sa madugong aksidente ang trak na minamaneho ni Mangupag sa naturang lugar.
Sa hearing ng LTO, lumabas na tatlong beses nahuli si Mangupag sa kasong overloading na nagkakarga ng asukal Disyembre 2021, Enero 2022 at Disyembre 2023.
Inoobliga naman ng LTO ang may-ari ng truck na dumalo sa pagdinig sa Biyernes.