Dahil sa Holiday rush Quezon City traffic enforcers duty hanggang hatinggabi

MANILA, Philippines — Aabutin na ngayon hanggang alas-12 ng hatinggabi sa pagbabantay sa lansangan ng mga tauhan ng Traffic and Transport Ma­nagement Division ng Quezon City.

Sa QC Journalist Forum, sinabi ni Dexter Cardenas na mas pinahaba nila ngayon ang pangangasiwa sa daloy ng  trapiko  matapos na  tumaas sa 20 percent ang dami ng mga sasakyan na nagbibiyahe ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Ayon kay Cardenas, marami rin ang nakakalat na mga tauhan sa mga kalsada malapit sa mga  malalaking simbahan sa Quezon City,  malls at mga parke na madalas puntahan ng mga tao tuwing Pasko.

Nanawagan din si Cardenas sa publiko na huwag nang gumamit ng maraming  sasakyan upang hindi na maapektuhan ng pagsikip ng daloy ng trapiko.

Mayroon din aniyang libreng sakay ng bus sa QC para maghatid sundo ng mga commuters.

Pabor naman si Cardenas sa pagdaan ng EDSA ng mga provincial bus ngayong holiday season upang maiwasan ang trapik sa mga secondary roads.

Hindi naman anya kailangan pang ipagbawal ang mga mall sale laluna sa QC sa halip ay tutulong na lamang sila sa mga mall guards para magkaroon ng maayos ang daloy ng trapiko sa labas ng mga malls.

Show comments