12 sasakyan inararo, 10 katao sugatan

Ang ilan sa mga sugatan na rider matapos na araruhin ng isang SUV ang nasa 12 sasakyan kahapon ng umaga sa Maynila.
Edd Gumban

SUV nagwala

MANILA, Philippines — Nasa 10 katao ang nasugatan nang araruhin ng isang nagwalang sports utility vehicle (SUV) ang 12 behikulo sa Ermita, Manila kahapon ng umaga.

Pawang nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan ang mga biktimang sina Marvel V. Hasa Jr.; Ferdinand Macuspad; John Elrod Compoc; Jamel Mamali; Samson Whiniemar Driz; Jonathan Bauitis Jr.; Rome Palma Jr., John Patrick Movino; Dherics Clemate; at Ariestados Ramos.

Nasa kostudiya naman na ng Manila Police District (MPD) ang driver ng SUV na si Neil Aries San Pedro.

Batay sa ulat ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), nangyari ang aksidente  dakong alas-10:30 ng umaga sa eastbound lane ng UN Avenue, malapit sa kanto ng Taft Avenue sa Ermita.

Bago ang karambola ay minamaneho ni San Pedro ang isang Ford Everest, na may plakang NFS 1200, sa eastbound lane ng UN Avenue, nang paglapit sa tapat ng National Bureau of Investigation (NBI), ay bigla na lang umano siyang mawalan ng kontrol sa behikulo.

‘Nagwala’ umano ang sasakyan at binangga ang konkretong center island doon at saka tuluyang inararo ang mga nauunang behikulo na kinabibilangan ng Barangay Patrol “ Tok Tok, “ na minamaneho ni Hasa; tricycle, na minamaneho ni Macuspad; at mga motorsiklo na minamaneho nina Compoc, Mamali, Driz, Bauitis, Palma, Movino, Clemate, at Ramos.

Nadamay din naman sa karambola ang isang Mitsubishi Mirage, na minamaneho ni Peter Paul Villamin at isang Chevrolet Pick Up, na minamaneho ni Ferdinand Brisuera.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Show comments