MANILA, Philippines — Pinag-aaralan na ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang paglalagay ng “national unified 911 emergency system” sa loob ng susunod na tatlong taon.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, magkakaroon ng 10 call centers sa buong bansa na direktang makikipag-ugnayan para sa emergency response.
Aniya, ang unified 911 ay magiging “language-sensitive” upang marespondehan at maayudahan ang mga nangangailangan ng tulong mula sa iba’t ibang rehiyon na may iba’t ibang wika.
Sinabi ni Remullla na mahalagang may iisang numero na maaaring tawagan ang publiko sa oras ng pangangailangan upang agad na maayudahan.
Palalakasin din ang kakayahan ng local government units (LGU) upang matiyak ang maayos na paggamit ng panukalang sistema, dagdag pa ni Remulla.
Samantala, kasalukuyang ginagamit ng DILG ang “modernized 911 emergency system” na inilunsad nitong Agosto 2024.
Dagdag pa ni Remulla, kailangan na mas mailapit pa ng pamahalaan ang serbisyo sa iba’t ibang lugar partikular sa mga liblib na probinsiiya.