MANILA, Philippines — Simula Disyembre 13, naka-heightened alert na ang Philippine Coast Guard (PCG) bilang bahagi ng nalalapit na Kapaskuhan.
Ayon sa PCG, ipatutupad ang heightened alert hanggang sa Enero 6, 2025, bunsod na rin nang inaasahang pagdagsa ng mga biyahero sa mga pantalan na layong matiyak na maayos, ligtas at kumbinyente ang pagbiyahe sa mga karagatan ngayong Christmas season
Alinsunod sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, nabatid na inatasan na ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang lahat ng Coast Guard districts, stations, at sub-stations na paigtingin ang security at safety measures sa mga pantalan at mga terminals.
Nais din umano nilang masiguro na magiging mapayapa ang pagdiriwang ng Pasko at may sapat na seguridad ang mga turista sa mga beach at private resorts sa buong bansa.
“Our kababayans have long been waiting for this season to spend quality time with their families and loved ones, either at their home provinces or in various vacation spots. Thus, we are anticipating and preparing for the high volume of maritime traffic,” ayon kay Gavan.
Idinagdag pa ni Galvan na nagsasagawa sila 24/7 ng monitoring sa nautical highways routes partikular sa Visayas kung saan pinakamarami ang nagpupuntang turista at nagsisiuwi sa kanilang mga probinsiya.
Nabatid na sakop ng western seaboard monitoring ang Batangas, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Aklan, Iloilo, at Zamboanga regions habang ang sakop naman ng eastern seaboard monitoring ang Manila, Bicol region, Samar, Leyte, at Surigao provinces. Samantala, pinaaalalahanan din ni Gavan ang mga pasahero at kanilang mga kapwa Coast Guardians na maging vigilante sa pag-iinspeksiyon ng mga pasahero at mga gamit ng mga ito para matiyak ang kanilang ligtas na pagbiyahe.