Sa loob ng 24 oras
MANILA, Philippines — Umaabot sa P20 milyong halaga ng illegal drugs ang nasamsam ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa isinagawang police operations sa loob lamang ng 24 oras sa Metro Manila.
Sa report na nakarating kay NCRPO chief PCol. Anthony Aberin, isinagawa ang anti illegal drug operations mula alas-6 ng umaga ng Disyembre 3 hanggang alas-5:59 ng Disyembre 4 kung saan nakumpiska ang nasa 3,047.63 gramo ng shabu at 1.1 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng higit P20,724,016.00 at pagkakaaresto ng 71 drug suspects.
Ayon kay Aberin, ang mga buy-bust operations ay indikasyon na sinsero ang Philippine National Police na sugpuin ang talamak na problema sa illegal drugs sa Kalakhang Maynila.
Sinabi ni Aberin na tinututukan din nila ang anti-illegal gambling na nagresulta sa pagkakabuwag ng 49 illegal gambling operations at naaresto ang 133 sugarol.Nakuha rin ang P33,765.00 pera sa sugalan.
Samantala, sa 16 operasyon laban sa loose firearms, 17 iba’t ibang baril nasabat habang 17 indibiduwal ang inaresto.
Nasa 79 naman na mga wanted sa batas ang nahuli.
“There will be no let up in our fight against all forms of criminality as we continue to gain momentum in the conduct of intelligence-driven operations aimed at ensuring a safe, secure, and meaningful Yuletide Season in Metro Manila,” ani Aberin.