Naaktuhan kasiping misis na pulis
MANILA, Philippines — Natuldukan na ang paghahanap sa isang pulis na iniulat bilang “missing person” nang matunton ang mga lugar na pinuntahan nito sa Taguig City, matukoy ang responsable sa pagpatay at mabunyag na ibinaon ang bangkay sa Baguio City, batay sa ulat ng Taguig City Police Station.
Sa ulat na isinumite kay Southern Police District (SPD) Director P/Brig. General Bernardo Yang ng Taguig CPS, personal na idinulog ni PCaptain Peter De Asis, anak ng missing person na si PEMS Emmanuel De Asis, 55-anyos, na nakatalaga sa Puerto Princesa Police Provincial Office (PPO) na sa phone tracking app ay na-track ang cellphone ng ama sa LG Motel, sa Lower Bicutan, Taguig noong Nobyembre 28, 2024.
Sa masusing pagsiyasat, nakita sa CCTV ng LG Motel alas-8:30 ng gabi nitong Nobyembre 28, kalahating oras matapos mag-check-in ang ama ay sinundo naman ito ng Grab Taxi.
Nalaman sa Grab service na inihatid siya sa National Capital Region Police Office (NCRPO), sa Camp Bagong Diwa, sa Taguig City.
Sa CCTV ng NCRPO, nakita na magkasama na ang biktima at babae na kinilalang isang pulis na may ranggong “PEMS”, nakatalaga sa Regional Mobile Force Battalion (RMFB) ng NCRPO at nakitang patungo sa MNOQ apartment.
Agad namang tinungo ng mga tauhan ng RHSU ang MNOQ apartment at nadatnan ang mister na suspek, isang “Lt. Colonel” na nakatalaga sa DCADD ng Eastern Police District at kinumbida ang dalawa para sa imbestigasyon.
Sa isang extrajudicial confession, inamin ni “Lt. Colonel” ang ginawang pamamaril sa kabarong pulis na si De Asis nang umano’y maaktuhan ang kanyang misis at biktima sa kanilang bedroom na magkasiping.
Inutusan ng mister ang misis na kumuha ng “hacksaw” at putulin ang katawan ng biktima. Nang mailagay sa sako ng bigas ay isinakay sa silver Ford Ranger at ibiniyahe sa Baguio City kung saan ibinaon sa lupa.
Nitong Disyembre 5, 2024 nang puntahan ang lugar na pinagbaunan ng bangkay ni De Asis kasama ang suspek na si “Lt.Col.” at abugado nito mula sa Integrated Bar of The Philippines. (IBP).