MANILA, Philippines — Magpapatupad ng schedule adjustments ang Light Rail Transit (LRT) Line 1 at 2 at Metro Rail Transit (MRT) Line 3 ngayong Holiday Season, bunsod na rin nang inaasahang pagdagsa ng mga pasahero.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, layunin ng schedule adjustments na mas maraming pasaherong makasakay sa mga train lines ngayong holiday rush.
Sa abiso ng DOTr kahapon, mula Disyembre 16 hanggang 24, at sa Disyembre 31, sisimulan ng MRT-3 ang kanilang unang commercial trip mula North Avenue station ng 4:30AM.
Sa pagitan naman ng Disyembre 16 at 23, palalawigin ng naturang train line ang kanilang operating hours, kung saan ang huling biyahe nito mula North Avenue Station ay aalis ng 10:34PM habang ang mula naman sa Taft Avenue ay bibiyahe ng 11:08PM.
Samantala, ang Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ay magsisimula ng kanilang adjusted schedule sa Disyembre 17.
Nabatid na ang unang commercial train nito ay bibiyahe ng 5:00AM sa Disyembre 17-23, 24 at 31. Magpapatupad naman ito ng regular operating hours mula Disyembre 25-30 at sa Enero 1 onwards.
Ang LRT-1 naman ay magsisimula ng kanilang adjusted operating hours sa Disyembre 20.
Bukod dito, sinabi ni Bautista na sa ginawag scheduled adjustment, mabibigyan din ng pagkakataon ang mga rail employess na makapiling ng matagal ang kanilang mga pamilya ngayong Pasko.
Pinayuhan ng DOTr ang mga pasahero na bisitahin ang timetables para sa adjusted train operating hours.
Ang LRT-1 ay pinangangasiwaan ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), at bumabagtas mula Dr. Santos Station (dating Sucat) sa Parañaque City hanggang sa Fernando Poe Jr. Station sa Quezon City, habang ang LRT-2 naman ay pinangangasiwaan naman ng Light Rail Transit Authority (LRTA) at bumibiyahe mula Antipolo Station hanggang Recto Station sa Maynila habang ang MRT-3 ay pinangangasiwaan ng DOTr at nag-o-operate mula North Avenue, Quezon City hanggang Taft Avenue, Pasay City.