MANILA, Philippines — Maglalaan ng karagdagang P40 milyon sa taunang badyet ang Las Piñas City para sa Green Card program na naglalayon ng libreng pagpapaospital at iba pang health care benefits sa libong residente nito.
Nabatid na sa pangunguna ni Las Piñas Mayor Imelda Aguilar, nagbibigay ng subsidiya ang Office of the Mayor ng hanggang P30,000 sa hospital bill ng isang pasyente kasama na ang minor operations at confinement sa mga accredited na ospital. Ang mga may hawak ng Green Card ay may libreng access sa mga serbisyong medikal at dental sa 30 health center sa lungsod.
Ayon kay Las Pinas City Councilor Mark Anthony Santos, mayroong 200,000 residente ang gumagamit ng Green card. Ang proyektong Green Card ay pinamamahalaan ng Mayor’s Office at ng City Social Welfare and Development Office. Maaaring ma-avail ito ng lahat ng bonafide na residente ng Las Piñas.
Maglalaan din aniya siya ng karagdagang P20,000 sa bawat may hawak ng Green Card na itataas ito sa P50,000 ng kabuuang bayarin sa ospital ng naka-confine na pasyente. Ang bawat miyembro ng pamilya kapag naospital ay may karapatan sa subsidy.
Sa pakikipag-ugnayan aniya sa Deparrtment of Health, patuloy na pagbubutihin ng kanyang tanggapan ang mandato nito na maghatid ng de-kalidad na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa lahat ng residente ng Las Piñas.
Ibinunyag ni Santos na palalawakin niya ang mga benepisyo sa pamamagitan ng Green Card program ng lungsod, sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga nakatatanda, solong magulang at taong may kapansanan na may tulong pinansyal, libreng bitamina at medikal na konsultasyon, at mga recreational perks.