MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ng Korte Suprema na ang paggamit ng online chat logs at videos bilang ebidensiya ay hindi maituturing na paglabag sa right to privacy, kung ito ay ginamit upang tukuyin kung tunay nga bang may naganap na krimen.
Batay sa 18-pahinang desisyong iniakda ni Associate Justice Mario V. Lopez, ng SC Second Division, pinagtibay nito ang conviction kay Eul Vincent Rodriguez, sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9208 o The Anti-Trafficking of Persons Act of 2003 matapos na magbenta ng nude shows ng mga babae sa iba’t ibang online platforms upang magkapera.
Sa rekord ng hukuman, nabatid na 2013 ay simulan ng Anti-Human Trafficking Task Force ng Region 7 na imbestigahan si Rodriguez bunsod ng tip ng United States Immigration and Customs Enforcement.
Gumamit si PO3 Jerry Gambi ng isang decoy account upang makipagkomunikasyon kay Rodriguez sa iba’t ibang online platforms, at inirekord ang kanilang usapan kung saan inalok ng akusado ang pulis ng nude shows, ng mga babae, kasama pa ang kanyang mga menor-de-edad na pinsan, kapalit ng pera. Pumayag naman ang undercover cop at nang isagawa ang malaswang palabas ay inirekord ito at malaunan ay pinatigil.
Kaagad na rin silang nagkasa ng entrapment operation kung saan sinabihan ng pulis si Rodriguez na may kaibigan siyang dayuhan na tumutuloy sa isang hotel.
Nagkasundo umano ang dalawa na magsasama si Rodriguez ng isang 14-anyos na dalagita sa hotel upang magsagawa ng live nude show para sa dayuhan, na isa ring asset ng task force.
Dinakip si Rodriguez nang tanggapin ang marked money mula sa dayuhan at sinampahan ng kaso sa Regional Trial Court (RTC) hanggang sa na-convict. Umapela si Rodriguez sa Court of Appeals (CA) at SC, ngunit ibinasura lamang ang kanyang apela.
Nabatid na si Rodriguez ay hinatulan ng parusang habambuhay na pagkabilanggo at pinagmulta pa ng P2 milyon.
Inatasan din siya ng hukuman na magbayad ng P600,000 danyos perwisyos, na may legal interest na 6% kada taon, mula sa pagsasapinal ng hatol hanggang sa tuluyan niya itong mabayaran.