Harry Roque kakasuhan ng BI sa ilegal na paglabas ng Pinas

Atty. Harry Roque said in a press conference that he is no longer in Abu Dhabi after having his counter affidavit related to a human trafficking complaint notarized in the Philippine Embassy in the United Arab Emirates.
Camille Samonte/News5

MANILA, Philippines — Plano ng Bureau of Immigration (BI) na kasuhan si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, na sinasabing posibleng ilegal na lumabas ng bansa at nakapaghain ng kanyang counter affidavit sa Department of Justice sa kasong qualified human trafficking, na notaryado sa Abu Dhabi, UAE.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, posibleng sa ilegal na paraan nakalabas ng bansa si Roque dahil wala naman aniya itong ginawang pagtatangka na umalis ng bansa, sa pamamagitan ng formal channels. Ang huling biyahe anila nito na naitala nila ay noon pang Hulyo nang umuwi siya sa Pilipinas mula sa Los Angeles.

Nagpahayag din ng paniniwala si Viado na posibleng may ilang tiwaling indibidwal na tumulong kay Roque upang makaalis ng Pilipinas. “Flight is an evidence of guilt. He likely left the country via illegal means, possibly aided by unscrupulous individuals,” aniya pa.

Posible rin umanong pineke nito ang kanyang immigration clearances upang tanggapin sa destinasyong bansa, kaya’t kabilang aniya sa posibleng isampa nilang kaso laban kay Roque ay falsification of public documents.

“It’s impossible that he left via formal ports. His name is in the BI’s Lookout Bulletin, and he is a very well-known public figure. You can spot him miles away,” dagdag pa ng BI chief.

Bantay-sarado rin aniya ang mga formal entry at exit points, at mayroon ding CCTV cameras ang lahat ng major international ports, kaya’t imposibleng doon dumaan si Roque.

Nakikipag-ugnayan na umano ang BI sa Philippine Embassy sa Abu Dhabi upang makakuha ng impormasyon hinggil sa biyahe ng abogado.

Samantala, sa kanyang panig, sinabi naman ni BI Spokesperson Dana Sandoval na wala silang nakikitang indikasyon na tinulungan ng mga tauhan ng BI si Roque upang makalabas ng Pilipinas.

“Sa initial investigation po natin, wala pong indication,” aniya pa.

Show comments