P3.8 milyong ‘bato’ nasamsam sa buy-bust sa Caloocan, Valenzuela
MANILA, Philippines — Isang bigtime ‘tulak’ ang naaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) sa isinagawang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakasamsam ng shabu na nagkakahalaga ng P3.4 milyon kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Sa report na tinanggap ni PNP DEG Director PBGen Eleazar P. Matta, dinakip ang 41-anyos na suspek na mula sa Balangkas, Valenzuela sa isang fastfood sa loob ng mall sa Rizal Ave, Caloocan, bandang alas-2:30 ng hapon.
Nauna rito, nakatanggap ng tip ang mga pulis sa bentahang magaganap kaya agad namang ikinasa ng PDEG kasama ang Special Operations Unit National Capital Region (NCR), District Drug Enforcement Unit, Northern Police District (DDEU, NPD), Station Drug Enforcement Unit, Caloocan Caloocan City Police Station at PDEA Regional Office NCR ang kanilang anti illegal drug operations.
Ayon kay Matta, nakuha sa suspek na itinuturing na high value indvidual sa Caloocan ang nasa limang sachet ng white crystalline substance na pinaniniwalaang shabu na tumitimbang ng 500 gramo at may street value P3,400,000.00.
Sinabi ni Matta na ang matagumpay na buy-bust operation ay paalala sa mga sindikato na hindi natutulog ang mga awtoridad upang makamit ang ligtas at drug-free community.
Nasa SOU-NCR, PNP DEG ang suspek at mga ebidensiyang nakumpiska ng mga awtoridad.
Samantala, nasa P408,000.00 halaga naman ng shabu, 1 unit Nokia keypad cellphone at black coin purse ang nakuha ng mga tauhan ng Valenzuela City Police sa suspek na si alyas Buboy sa buy-bust operation.
Sa ulat ni Valenzuela City Police chief PCol.Nixon Cayaba kay Northern Police District Director PCol.Josefino Ligan, 7:10 ng umaga sa kahabaan ng Kabesang Imo Street Barangay Balangkas Valenzuela City, nang maaresto ng Station Drug Enforcement Unit ng Valenzuela CPS sa koordinasyon ng PDEA ang suspek.
- Latest