MANILA, Philippines — Inaalam na ng mga awtoridad ang dahilan ng pagkamatay ng isang doktor na agad na binawian ng buhay matapos na inumin ang ‘drinks’ na ipinadeliber ng kanyang ‘pasyente’ sa loob mismo ng kanyang klinika sa Malate, Manila kamakalawa.
Patay na nang idating sa Philippine General Hospital (PGH) ang biktimang si “Kis”, 43, isang aesthetic doctor.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, dakong alas-3 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng klinika ng biktima sa Malate, Maynila.
Ayon sa maybahay ng biktima na si “Kaye”, nasa loob ng kanyang klinika ang biktima nang dumating ang isang food delivery rider at naghatid ng ‘inumin’ na mula umano sa isang kilalang coffee shop.
Nang malaman ang naturang inumin ay ipinadala ng isang alyas ‘Gladys,’ ay nagsalita pa umano ang biktima, at sinabing kilala niya ang pasyenteng nagpadala ng inumin.
Gayunman, nang tikman ay nagulat umano ang biktima sa kakaibang lasa ng inumin at sinabing, “Ano bang lasa nito? Tikman n’yo nga!”
Makalipas ang segundo, nagsuka ang biktima at nagtatakbo sa comfort room at doon na tuluyang nawalan ng malay.
Mabilis naman siyang isinugod sa PGH ng mga tauhan ngunit nasawi rin.
Isinasailalim na sa awtopsiya ang biktima upang matukoy ang ikinamatay nito.