LTFRB sinisilip mataas na pasahe, surge fees ng Grab
MANILA, Philippines — Sinisiyasat na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang umano’y paggamit ng Grab ng algorithm para sa pasahe at price surge nito na inirereklamo ng mga customer.
Sa isang radio interview, sinabi ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz na masyadong malaki ang singil ng Grab kaya nila kinuwestyon at iniimbestigahan.
“Ang formula nila, iyon ang kinukuwestiyon ko ngayon. Baka gawin na lang uniform rate o i-reduce ang surge fees by as much as 50 percent,” ani Guadiz.
Umaasa ang LTFRB head na makatutulong ang pagpasok ng dagdag na 5,000 TNVS units sa Metro Manila para matugunan ang demand at mapababa ang price surge.
“Hopefully with this, totally ma-re-reduce if not totally matatanggal iyong surge charges on certain hours of the day. Usually, ang surge fees in the morning, pag pasukan at saka sa hapon pag-uwian na, between 4 to 7 o’clock,” dagdag pa ni Guadiz.
May kapangyarihan ang LTFRB na kanselahin ang permit ng isang TNVS kung napatunayan na sobra ang kanilang singil sa commuter. Maaari ring pagmultahin ng Philippine Competition Commission (PCC) ang Grab sa paglabag sa mga kasunduan ng merger nito sa Uber noong 2018.
Ginawa ni Guadiz ang pahayag kasunod ng panawagan ng isang network ng digital advocates sa ahensiya na tutukan ang pagresolba sa mataas na surge fees na pinapataw ng Grab tuwing Kapaskuhan.
Dinadagsa ng reklamo ang Facebook page ng Move It at Grab at panawagan sa LTFRB na aksiyunan ang price surge at kanselasyon kung saan awtomatikong nababawas ang pamasahe sa GCash o Grab wallets.
- Latest