37 hot spots sa 2025 election -DILG
MANILA, Philippines — Inihayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na nasa 37 na lugar sa bansa ang posibleng hot spots para sa 2020 elections.
Ayon kay Remulla, sa nasabing bilang, 28 ang nasa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, mayroon sa 3rd at 4th District ng Leyte, at Central Luzon.
Umaasa si Remulla na hindi magkakaroon ng gulo sa halalan sa susunod na taon. Aniya, inilalatag naman ng Philippine National Police (PNP) at ng local government units ang kanilang seguridad para sa midterm elections.
Regular din ang pakikipag ugnayan ng mga awtoridad sa mga barangay upang mas madaling matukoy ang mga taong posibleng maging dahilan ng gulo.
Noong buwan ng Setyembre, inatasan ni PNP chief PGen. Rommel Marbil ang mga commanders na simulan ang pagtukoy sa mga posibleng “election areas of concern” para sa halalan sa 2025.
Bago pa man ang halalan, may mga naiulat nang karahasan laban sa elected at mga kandidato na local officials sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Isa sa pinakahuling insidente ay naitala sa Tantangan, South Cotabato kung saan isang dating barangay chairman na naghain ng kandidatura para vice mayor ay binaril-patay noong November 18.
Naniniwala naman si Remulla na maisasakatuparan ang hangad na payapang eleksiyon kung magkakaroon lamang ng maayos na usapan sistema sa mga kandidato.
- Latest