MANILA, Philippines — Umapela si Las Piñas City councilor Mark Anthony Santos sa National Housing Authority (NHA) na ibigay na sa mga kuwalipikadong residente at dekada nang naninirahan sa lugar ang natitirang 10 ektarya ng lupa sa Barangay BF International Village-CAA., Las Piñas City.
“For the past four decades, the current residents, mostly located along CCA area have petitioned the local and national government to dispose in their favor the land they occupy,” ani Santos.
Sinabi ni Santos na ang naturang lupa na nasa ilalim ngayon ng Air Transportation Office (ATO) ay maaari nang ibahagi sa 5,000 pamilya. Nabatid na idineklara ni dating Pangulong Joseph Estrada sa ilalim ng Presidential Declaration No. 427, na maaaring nang ipamahagi ang 52 ektarya ng lupa na bahagi ng 62-ektarya ng lupa sa CAA area.
Giit ni Santos kailangan na magsagawa ng evaluation sa mga government-owned land na magagamit sa socialized housing lalo pa’t nagbabayad ng buwanang renta ang mga residente ng Barangay BF International Village-CAA sa ATO.
Sakaling maibigay ang 10-hectare ng lupa plano ng pamahalaang Lungsod ng Las Piñas na magtayo ng walong medium-rise condominium units sa pakikipagtulungan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pamilyang Pilipino (4PH) program.