Neri Naig 5 araw iko-confine sa ospital
MANILA, Philippines — Limang araw mananatili sa ospital ang aktres na si Neri Naig para sa medical evaluation.
Ito naman ang inihayag ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson Jail Supt. Jayrex Bustinera, base na rin sa kautusan ng korte.
Ayon kay Bustinera, limang araw mananatili sa ospital ang aktres at negosyanteng si Neri simula nang ilipat ito Biyernes.
Sinabi ni Bustinera, ibabalik din ang aktres sa kanyang detention cell sa Pasay City Jail female dormitory mula sa ospital pagkatapos ng limang araw, dahil wala naman umano itong problema sa kalusugan nang siya ay dinala sa kulungan.
Si Neri ay naaresto sa basement ng isang convention center sa loob ng isang mall sa Pasay City noong Sabado, Nobyembre 23, sa bisa ng warrant of arrest na inihain sa kanya para sa 14 na bilang ng paglabag sa Securities Regulation Code na may piyansang P126,000 para sa bawat bilang habang ang kasong syndicated estafa ay non-bailable.
Itinakda ang arraignment laban kay Neri sa Huwebes, Enero 9, 2025 matapos maghain ng motion to quash ang kanyang kampo.
- Latest