2 ‘life’ hatol sa Chinese national sa operasyon ng prostitution den ng POGO workers

MANILA, Philippines — Hinatulan ng 2 life imprisonment ng Pasay City Regional Trial Court ang isang Chinese national na napatunayang nagpapatakbo ng isang prostitution den sa mga parukyanong pawang POGO wor­kers, sa Pasay City kung pinagmumulta rin ito ng P4-milyon.

Sa 69-pahinang desisyon na inilabas nitong Nob­yembre 28 ng  Pasay Regional Trial Court Branch 113, ‘guilty beyond reasonable doubt’ si alyas “Boss Ayang” sa mga paglabag sa Republic Act 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012).

Nag-ugat ang kaso sa isinagawang raid ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at ng PNP Women and Children Protection Center (WCPC) sa isinagawang raid sa isang condominium complex, sa Pasay City noong Nob. 25, 2023.

Nabatid na 14 na Pinay kabilang ang isang menor de edad ang naisalba mula sa prostitution den sa pagbubugaw sa kanila na eksklusibo sa POGO workers.

Isa sa biktima ang nagsabi na nasa 30-50 kliyente ang naseserbisyuhan ng sekswal sa loob lamang ng isang buwan. Ipinadadala sila ni Ayang sa iba’t ibang hotel o condominium para sa kliyente at sa kikitain sa bawat transaksyon ay kahati nila si Ayang.

Dalawa naman sa mga akusado ang inabswelto ng korte, dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.

Isang Pinay na tagakolekta lamang ng share mula sa mga babae para ibigay sa amo na si Ayang habang ang isang Chinese national na babae ay natukoy na live-in partner ni Ayang, kaya itinurn-over na sa Bureau of Immigration para sa deportasyon.

Show comments