MANILA, Philippines — Dalawang Chinese national ang arestado dahil sa umano’y pagkulong sa isang kababayan dahil sa hindi nababayarang utang, sa Pasay City, nitong Martes.
Nahaharap sa reklamong paglabag sa Article 268 ng Revised Penal Code (Illegal Detention) ang mga suspek na kinilalang sina alyas Jun at alyas Chen, kapwa 30 taong gulang.
Ang insidente ay naganap bandang alas -8:00 ng gabi ng Nobyembre 26 sa isang commercial building sa Newport City, Barangay 183, Pasay City.
Ang biktimang si alyas Peng, 35, ay ikinulong umano ng mga suspek sa loob ng 26 na oras dahil sa kawalan ng kakayahang magbayad ng utang.
Dahil sa insidente, nagpasaklolo ang biktima sa kaniyang kaibigan na manugang naman ng isang alyas Lucila, 51, supplier ng damit mula sa Santa Rosa, Laguna.
Agad inalerto ni Lucila ang pulisya at agad na tinungo ng mga tauhan ng Pasay City Police Sub-Station 9, batay sa impormasyon at address na ibinigay.
Tagumpay namang nasagip ang biktima na nagresulta rin sa pagdakip sa mga suspek.