MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang paglulunsad ng programang Relief Initiatives for Community Empowerment (RICE) kung saan benepisyaryo ang lahat pamilya mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod.
Ayon kay Malapitan, layon nilang makapagbigay ng mas pinahusay na food security measure para sa lahat ng mamamayan ng Caloocan, lalo na sa pagsisimula ng kasiyahan ng Pasko.
Sinabi ni Malapitan na tinutupad lamang niya ang kanyang pangako na mabigyan ng dekalidad na buhay ang kanyang mga nasasakupan.
“Isa lang po ang RICE program sa mga hakbang na ating isinasagawa upang siguruhin na bawat pamilyang Batang Kankaloo ay mayroon pagkain sa kanilang hapag, kaya naman mas pinalawak din natin ang mga proyektong pangkabuhayan at trabaho upang sila mismo ay magkaroon ng oportunidad na paunlarin ang kanilang estado sa buhay,” ani Malapitan.
Tiniyak din ng alkalde na walang pinipiling kulay sa pagbibigay ng ayuda at suporta.