MANILA, Philippines — Nakapiit na sa Pasig City Jail Male dormitory si Kingdom of Jesus Christ (KOCJ) founder, Pastor Apollo Quiboloy dahil sa kinakaharap na kasong qualified human trafficking.
Nabatid na dakong alas-5:05 ng hapon nitong Miyerkules nang ilipat ng mga awtoridad si Quiboloy mula sa Philippine Heart Center patungo sa bilangguan matapos ang kanyang medical furlough.
Alinsunod na rin ito sa kautusan ng Pasig City Regional Trial Court na pagkalabas ng ospital at matapos ang pagsusuri dahil sa mabilis na tibok ng puso, ay idiretso na ito sa bilangguan.
Nakasuot ng protective helmet at bullet proof vest si Quiboloy nang dalhin sa bilangguan, kung saan sumailalim rin siya sa medical at booking procedure.
Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), ikukulong ang pastor kasama ang 35 iba pang persons deprived of liberty (PDLs), sa isang 20 square meter na selda.
Nabatid na ang naturang piitan ay para lamang sana sa limang preso ngunit kinailangang isiksik dito ang 35 PDLs dahil ang congestion rate ng Pasig City Jail ay nasa 400% na.
Tiniyak naman ni BJMP Spokesperson Jail Supt. Jayrex Bustinera na walang anumang VIP o special treatment na ibibigay kay Quiboloy at daraan ito sa normal na proseso sa pagtanggap ng PDL.