MANILA, Philippines — Patay ang isang ginang habang dalawa pa ang nasa malubhang kalagayan matapos na araruhin ng isang delivery van kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Sa inisyal na report ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-7 ng gabi nang naganap ang aksidente sa 13th St. cor Victoria, Damayan Lagi sa nasabi lungsod.
Kita sa CCTV ng barangay na naglalakad ang tatlong magkakaibigang babae sa sidewalk ng Victoria Avenue at pagsapit sa kanto ng 13th St. isang closed van ang humaharurot mula sa likuran ng tatlong magkakaibigan at inararo ang mga ito.
Nadaganan pa ng gulong sa ulo ang nasawing biktima habang tumilapon naman ang dalawang sugatan na mabilis na itinakbo sa St. Luke’s Medical Center .
Nahaharap ang driver ng closed van sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at multiple serious physical injuries.