MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Bureau of Corrections (BuCor) na posibleng umabot sa 10,000 persons deprived of liberty (PDLs) ang palalayain bago ang Pasko dahil sa mga bagong panuntunan sa aplikasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Ang mga kredito ng GCTA sa ilalim ng Republic Act No. 10592 ay nagpapaikli sa panahon ng pagkakakulong ng isang PDL.
Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr na ang bagong Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act 10592 ay lalagdaan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at ni Local Government Secretary Jonvic Remulla sa Disyembre 2.
“More or less 5,000 to 10,000 ang mapapalaya natin bago magpasko (will be set free before Christmas),” ani Catapang sa isinagawang culminating activity nitong Nobyembre 25, na nagpalaya sa 104 PDLs.
Nirebisa ang IRR ng RA 10592 kasunod ng isinapinal na kautusan ng Supreme Court (SC) sa GCTA para sa PDLs na convicted sa heinous crimes.
Paliwanag ni Catapang na papayagan na ngayon na makasali ang heinous crimes offenders sa ipinagkakaloob ng GCTA.
Samantala, ang 104 PDLs na pinalaya nitong Lunes ay kabilang sa 500 PDLs na itinakdang palayain noong Oktubre 22 mula sa iba’t ibang prison facilities.