MANILA, Philippines — Dumarami ang namboboso sa bansa.
Ito naman ang lumitaw sa record ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP ACG) bunsod ng pagtaas ng kaso ng voyeurism o pamboboso ngayong taon.
Sa isang press briefing, sinabi ni PNP ACG Spokesperson Col. Jay Guillermo, 316 kaso ng photo at video voyeurism ang naitala mula Enero hanggang Nobyembre 21 ngayong taon kumpara sa 279 na kaso noong 2023.
Ang mga kasong ito aniya ay kinasasangkutan ng mga indibiduwal na nagre-record ng mga tao habang nakikipagtalik nang walang permiso.
Batay sa obserbasyon ng ACG, ang mga indibiduwal na may edad 25 hanggang 40 ang madalas na nasasangkot sa mga kaso ng pamboboso habang ang mga biktima ay nasa edad 16.
“Because of curiosity and the availability of technology, these persons discover something in these activities and are not aware that this activity has harmful effects,” ani Guillermo.
Samantala, binalaan ni Guillermo ang mga netizen na iwasan ang pagpapadala ng mga explicit photo o video sa sinuman, at iwasan ang sexual activities sa video call, na maaaring mai-record at kalaunan ay magamit sa pamba-blackmail.
Dagdag nito, sa makabagong teknolohiya wala na umanong imposibleng gawin ang mga.may masasamang balak o kriminal.