MANILA, Philippines — Hindi na mahihirapan pang magtungo sa mga ospital upang magpakonsulta at sumailalim sa mga laboratory test ang mga pasyente dahil mismong ang ‘LAB for ALL’ medical van ang iikot sa Malabon City.
Ito’y kasunod ng pagpapasinaya ng nasabing medical van sa pangunguna ni Malabon Mayor Jeannie Sandoval at Presidential son Vincent “Vinny” Marcos nitong Lunes.
Ayon kay Sandoval, ang Lab for All na flagship program ni First Lady Liza Marcos ay layong maihatid ang health care sa iba’t ibang komunidad sa bansa.
Nabatid na naglalaman ng kagamitan tulad ng Hematology analyzer, para sa complete blood count: Chemistry analyzer, blood chemistry test; x-ray, ultrasound, at electrocardiogram (ECG) machines ang 22-feet long medical van.
“Ang LAB for All Medical van ay malaking tulong para sa mga Malabueño dahil nailalapit nito ang mga serbisyong medikal sa lahat, lalo na sa mga higit na nangangailangan. Sa susunod ay makikita niyo na ang van na ito na umiikot sa ating lungsod upang makatulong sa inyo. Makakaasa kayo na mas marami pang serbisyong pangkalusugan ang ating gagawin upang masigurong malusog ang Malabueño tungo sa progreso at pag-unlad,” dagdag pa ni Sandoval.