MANILA, Philippines — Dismayado ang ilang residente ng EMBO (Enlisted Men’s Barrio) barangay sa hindi umano natupad na mga pangako ng lokal na pamahalaan ng Makati.
Ayon sa mga residente, nakakalungkot na hindi sila umano naipaglaban ni Mayor Abby Binay kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na ilipat ang kanilang hurisdiksyon sa Lungsod ng Taguig.
Ilan sa mga pangakong napako ay ang pagsasara ng mga health center sa mga barangay ng EMBO noong nakaraang taon at ang pagkawala ng bisa ng mga ‘yellow card,’ na dati nang nagbigay ng libreng serbisyong medikal sa mga residente ng 10 barangay ng EMBO.
Anang mga residente, maraming senior citizen na pasyente sa mga EMBO barangays ang hindi na kaya pang magtungo sa mga sa ospital at sa health centers na lamang umaasa.
“Kung ang adhikain nila ay makatulong sa masa, dapat [mga programa nila] pang-masa. Katulad ng mga basketball court at health centers—lahat ’yan pinasara nila. Asan ‘yung sinabing ‘makatao’? Nawala ‘yun, kasi kung talagang makatao ka, iintindihin mo ‘yung mga taong nangangailangan talaga,” anang mga residente.